Pages

Sunday, October 14, 2012

Mga Kwentong Barbero (MK)

Naaalala ko pa noon si Mang Ole, Nang una kong makita'y isang lalaking matipuno ang katawan at masayahin ang ugali. Sa kaniya ako unang nagpagupit. Noong 7 taon pa lamang ako. Doon na ako dinadala ng aking Ate. Siya lang talaga yung barberong kakaiba, Halos lahat na ay  ikwento.



" Kuya, Barbers cut po." sabi ko sa aking manggugupit, Si Mang Ole.
"Oh, Barbers na naman?"
" Ehh, Hindi pa po kasi tinatantanan ng aming Disciplinary Comitee, Kailangan ganito, Kailangan ganyan. Ay nako! "

Napaupo na lamang ako sa matigas at may kalumaan nang upuan kung saan madalas siyang natutulog. Bihira na kasi ang customer ngayon. May mga Mall na kasi sa tabi tabi. Puro may aircon ang Barber Shop. Ito namang si Mang Ole, May kabataan pa naman, Ayaw magapply sa komportableng pagupitan. Hindi ko alam kung bakit. Marami siyang dahilan. Kesyo ganito, Kesyo ganyan. Noong araw na iyon, Napakasimpleng araw nito para sa akin. Isang simpleng araw para magpagupit. Makwento si Mang Ole, sobra. Halos lahat yata ng kabanata ng buhay niya naikwento na niya. May isa siyang naikwento sa akin na nakalmot daw siya ng pusa. Dugong dugo daw yung sugat. Lumalim yung pagkakakalmot ng pusa. Mga ilang oras daw , namanhid yung parteng braso niya. Tapos ang mukha niya putlang putla. Hindi daw niya maintindihan ang gagawin niya. Sa sobrang pagaalala, pumunta daw siya sa isang manggagamot. Ang ginawa ng manggagamot, sinipsip yung dugo na nagmumula sa sugat, at mga ilang minuto, nawala yung pamamanhid at nagsarado ang sugat ng hindi niya namamalayan. Susko, kwentong barbero nga naman.
Habang naggugupit siya, ang dami dami niyang kwento. Halos paulit ulit na. Kwentong Aswang,Kwentong Pulitika,Kwentong Palaboy, Kwentong Pambihira at iba pa. Mabuti na rin ito. Yung may nagkekwento. Kesa naman may laging humihila sa iyong mga matang nagpupumilit na makatulog.
Mga ilang saglit pa, May nakita akong pasa sa kaniyang braso. At dahil naka sandong puti siya, nakita ko ang payat niyang braso na may tatak ng pagmamalupit at pananakit.
" Mang Ole, Ano pong nangyari sa braso niyo? Sino pong nanakit sa inyo? "
" Ah, Ito ba iho? Nako, Wag mong pansinin yan. May kinalaban akong aswang kagabi. "
" Aswang?"
" Oo, Kagabi kasi nangyari ang pananakit ng aswang.

Pagpasok na pagpasok ko sa aming pinto. Nakita ko ang aswang. Mataba. Nanlilimahid sa pawis at nagmamantikang mukha. Nilalantakan yung tanging hapunan na dapat naman ay para sa akin. Alam kong para sa akin iyon sapagkat iyon ang paborito kong Galunggong at Kalamansi. Hindi ko nga alam kung bakit pero parang nagdadiet yung aswang dahil isda lang yung kinakain. Parang isang gutom na gutom na baboy ramo ang nakita ko. Hindi ko na napigilan ang aking mga emosyon. Kaya naman napasigaw ako , " Hoy! Anong ginagawa mo sa pagkain ko?! Para sa akin yan! Iniwan yan para sa akin ng anak ko!" Ang sabi naman niya habang punong puno ng kanin ang bibig. " Anong anak mo?! Akin ito! Akin! " Pagkatapos noon, sinubukan kong paalisin siya sa kaniyang kinauupuan ngunit hindi ko nagawa. Napakabigat niyang aswang. Sa aking paghawi sa kaniya, itinulak niya ako ng malakas at tumama ang braso ko sa kahoy na isa sa mga pundasyon ng bahay. Kamuntikan na ngang masira. Kaya eto, Nakuha ko itong pasang ito."

" Ano pong nangyari pagkatapos? Saan po nagpunta yun aswang?"
" Ayun, bumalik na sa kaniyang lungga. Inubos na niya yung hapunan ko. "
" Nako, Buti naman po at hindi kayo napuruhan."
" Wala ka namang tiwala sa akin! Si Ole ata ito!"

Tumawa siya na parang walang sakit na nararamdaman. Isang sakit na dahilan ng kaniyang pagsisisi dahil nakilala niya ang aswang na ito. Nakikita ko sa kaniyang mga ngiti ang bawat hibik na kaniyang nararamdaman sa tuwing siya'y umiiyak. Sa kaniyang payak na katawan pa lamang, makikita mo na na napakasama ng aswang na ito.
Magaalas dyis na ng umaga nang matapos ako sa aking pagpapagupit. Nakita ko muli ang aking mukhang ngayon ko lamang ulit nakita ng maayos. Malaki talaga ang pagpapasalamat ko diyan kay Mang Ole. Bukod sa pagpapaguwapo niya sa akin, hindi niya ako pinapabayaran. Libre na ang gupit, Libre pa ang Kwento. Hindi ko natiis si Mang Ole. Nangangati ang mga tenga ko sa mga kwento niya. Para bang naglalaway ang mga ito. Kaya naman napagdesisyunan ko nang huwag munang umalis at ipagpatuloy ang pakikinig ng Storyang Aswang niya.

"Yung aswang ba kamo? Nako,Kahit araw araw kaming nagkikita niyan Ganito parin siya sa akin. Sa dinami raming aswang na nakita at nakilala ko, Siya lamang ang hindi ko kayang saktan. Siya yung aswang na simula't sapul nang makilala ko, Ni hindi ko pinagtaasan ng kamay. "

" Teka ho, Hindi ba ho, sabi niyo, hindi niyo siya sinasaktan, Bakit niyo siya tinulak tulak at sinisigawan kagabi?"
" Sinasaktan na niya ang anak ko. Ang kaisa isa kong anak. Noong isang araw, nakita ko na lamang ang aking anak na babae, nakahilata at walang malay. May dugo at sugat sa noo. "

Hindi na niya kinaya ang sakit. Napahagulhol na lamang siya sa may mesa. Doon tumulo ang luhang matagal na niyang kinikimkim. Ang mga luhang nagtatago ng kaniyang kahinaan simula noong una pa lamang kaming magkita. Naaawa ako sa kaniya. Si Mang Ole na wala namang kasalanan, ngunit pinaparusahan. Umiyak siya ng umiyak. Kaya naman hinagod ko ang kaniyang likod na pawisan. Hinagod ko ang sandong nagiisa. Ni wala man lamang maglaba nito para sa kaniya. Mga ilang saglit pa, Nagsalita siya at nakiusap.

" Iho, Huwag mo itong sasabihin sa iba ha? Sikreto natin ito. Maliwanag?" Sambit niya ng malumanay at nanghihina sa pagkakatahan mula sa pagkaiyak.
" Opo."

Umalis na ako sa maliit niyang barber shop. Nagaalalang tago tago ang kaniyang sikretong hindi dapat malaman ng iba. Lumipas ang isang araw ng sabado ng may pagaalala ako sa aking mukha. Na para bang hindi matali. Hindi ko lubos maisip kung anong gagawin kong tulong para sa kaniya.

" Oh, Anong ikinalulunkot mo diyan? " Tanong sa akin ni Ate.
" Ha? Wala wala. Naiisip ko lang yung ikinwento sa akin ni Mang Ole. Tunkol sa aswang?"
" Nako! Wag ka ngang ganyan! Alam mong kwentong barbero lang yan!"
"Pero-"
" Hephep, Kumain ka na, Sige na. Malilipasan ka pa ng gutom. "

Hindi ko rin masabi kay Ate  kahit na isa siya sa mga pinagkakatiwalaan ko. Nangako ako. Nangako.

***

" Tol, Tol! Gising! " Halos maitulak na ako ni Ate paalis ng kama.
" May kailangan kang malaman. "

Habang kinukuskos kuskos pa ang mga mata at inaalis ang mga pang-umagang bituin, Binuksan niya ang bintana. At sa kalayuan, may nakita akong ambulansya at mga pulis. Nakabukas ang likuran ng ambulansiyang ito. Hindi ko masyadong makita dahil sa karamihan ng mga usisero at usisera na nakapaligid, kaya naman lumabas na ako. Kinakabahan, Kumakabog ang dibdib. Dali dali akong sumingit sa mga naguusap na nga tao at dito ko nakita, Ang matabang aswang na nakaposas, Ang anak niyang may bakas pa ng sugat sa noo at iyon siya, nakabalot sa puting tela at nakahiga sa stretcher. Dito tumulo ang aking mga luha. Ang aking inspirasyon bilang isang manunulat ay pumanaw na.  Magiisang dekada na matapos ang insidenteng iyon. Hinding hindi ko malilimutan lahat ng ikinuwento niya sa akin. Ang mga pusang makamandag, Ang manggagamot na adik sa lason, Ang aswang na nagdadiet, at iba pang mga kuskos balungos na nalimot niya kung saan. Siya ang naging inspirasyon ko upang maging isang tagakwento ng mga kwentong barbero. At sa mga oras na iyon, Doon ko nalaman,  ang kwento niya pala sa akin bago sa mamayapa, ay Kwentong Barbero pala, Kwento ng isang Barbero nagsasabi ng pawang katotohanan lamang.


1 comment: