Swerte mula sa dayami.

                Ngayong araw na ito, napabalita sa telebisyon ang isang maswerteng nilalang na nanalo ng halos 150 million sa pagbibigay lamang ng ANIM na numero. Biruin niyo yun?! ANIM!? Saang lupalop niya nakita ang anim na numerong ito ang bigla na lamang siyang nagkaroon ng milyong milyong pera na maaari nang makapagpabago ng hindi lamang isang buhay kundi higit pa. Paano kaya dadalhin ng nanalo ang perang ito pauwi? Siguro kapag wala siyang seguridad, ilang sentimetro pa lamang ang nasasakop ng anino ng kaniyang mga paa, tadtad na siya ng pamamaril. Iyan ang hindi natin hinihiling at huwag sanang mangyari. Pero posible. Ganito tayong mga Pilipino e. Hindi lahat, pero aminin man natin sa hindi, naglalaway tayo sa milyong milyong pera. Para bang mapalapit ka lang sa isang tumpok ng 'sanlibo ay may tila humihila sa iyong pwersa na nagsasabing "Punyeta! Dumakot ka na ng ilan! Mabubuhay ka na!" Kung mag-susurbey kaya ang mga mananaliksik, ilang pursyento sa mga Pilipino ang tatalikod sa isang tumpok ng pera? Malamang mapupuno ng 0 ang decimal side ng isang whole number. Isang kamamangmangan siguro sa mga Pilipino ang hindi pagtanggap sa pera. Kahit na ang perang ito ay galing sa hindi magandang pinagmulan. Kahit na galing sa nakaw. Kahit na galing sa kung saan at hindi nanggaling sa isang bariles. Pero kung galing naman sa isang swerteng makukuha lamang ng isa sa bilyung-bilyong tao sa Pilipinas at mula sa milyung-milyong pagkakataon. Bakit hindi? Saan ka makakapulot ng 150 milyones? Aber? Paano kaya kung ako ang nanalo? Aminin man natin o sa hindi, hindi natin mapipigilang maglaan para sa pansarili nating kagalakan. Ako nga, kapag mayroon akong 150 million, maglalaan ako ng pera para sa pamilya ko, para sa akin, para sa simbahan, at para sa bahay ko. Mayroon kasi akong gustong maging itsura ng bahay. Ang gusto kong bahay, yung simple sa labas, simple sa loob, pero sa likod ng mga mumunting detalye ay may mga katotohanang nais mabunyag. Nais ko sa isang bahay ang mga tagong pinto, tagong mga lalagyan, gusto ko lahat nakatago. Pero mabalik tayo. Kapag nagkaroon ako ng 150 milyon, ipagpapagawa ko ng mga eskwelahan ang mga nasa bundok. Kahit mapa NPA pa yan o mga katutubo, gusto kong makatulong. Pero mukhang imposible ano? Pero hindi natin masasabi. Malay natin, ang isa sa mga makakabasa nito ay bibiyayaan ng maswerteng anim na numero na bubulalas ng swerte sa dayami. Hindi man ngayon, bukas, o pag dating ng panahon. :)

No comments:

Post a Comment