Ang Unang Stuffed Toy (MK)


 Kuya, Kuya, Palimos po. “ sabi sa akin ng isang batang gusgusin. Isang batang babae na putikan at halos hindi na naliligo. May dala dala siyang plastik bag na sira sira. Makikita mo mula sa labas nito na naglalaman ito ng kaunting damit at pagkain. “ Asan ang mga magulang mo ineng? “ 
“ Wala na po siya. “
“ Nako, Pasensiya na, Natanong ko pa. Magisa ka lang nabubuhay?”
“Opo”
Napagisip isip ko na wala naman akong importanteng gagawin. Kaya niyaya ko siyang kumain sa pinakamalapit na Lomian. Isinama ko siya, at pumayag naman ang kawawang bata. Noong una, naiilang siya sa akin pero ng lumipas ang ilang oras, hinawakan niya ang kamay ko noong lumiban kami na nakakapagtaka para sa akin. Dahil nga magisa siyang nabubuhay, dapat sanay na siya lumiban sa konkretong gubat na ito. “ Kumain ka na. Sabayan mo na ako. “ Ngumiti lang siya at nagsimula nang humigop ng sabaw ng mainit na lomi ang batang babae. Ako naman, tumatakagtak parin ang pawis dahil kakatapos lang ng Fun Run. Hindi ko nga masyado nakain yung Lomi dahil nahiya na ako sa kaniya. Talagang makikita mo sa kaniya na hindi talaga siya kumain ng ilang araw sapagkat ramdam mo yung pwersa ng bawat higop niya. Nakakagutom siya kung kumain kaya naman tinuloy ko na ang pagkain ko ng Lomi. Sa bawat higop ko ng mainit na sabaw nito, naisip ko yung mga nangyari noong nakaraan. Nakita ko ang isang poster sa labas ng opisina. Ang nakasulat dito ay tunkol sa darating na Fun Run para sa kalinisan ng Manila. Ang sabi doon, Alas sais ng umaga, dapat naroon na at nakapagpalista na ng pangalan. Mahirap kasing umupo nalang sa bahay ng Linggo ng umaga, total hapon naman ako sumisimba, kaya napagdesisyonan kong kuhanin ang isang slot para sa Dalawang kilometrong takbo para sa 200 piso. Hindi naman masyadong malaki sakin ang 200 piso sapagkat ankop lang naman para sa pamumuhay ko at ng aking pamilya ang natatanggap kong sweldo mula sa pagtatrabaho ko sa opisina. Isa akong Accountant sa isang Advertising Company. Kaya naman tambak ang trabaho pag dating ng Biyernes. Total, pahinga ko naman ang Sabado, napagdesisyonan ko na sumama sa Fun Run.
“ Mark! Pinapabalik ka nga pala ni Boss. May ipapagawa daw siya sayo.”
Nakita ako ng kaibigan ko sa opisina, si Danny. “ Talaga? Grabe naman. Magpapahinga na ako. “
“ Oo, Pasalamat ka nga, bibigyan ka daw niya ng dagdag pag dating ng akinse. “ Hindi na ako nagdahilan pa. Dali dali akong pumunta sa kaniyang opisina. Bago pa man ako makarating, nadaanan ko ang aking mesa,  nagmukhang itong parang mesa ng sugalan sapagkat may mga nakabunton na mga papael na mukhang mga baraha. “ Maupo ka. “ sabi ni Boss Jed pagpasok ko ng kaniyang opisina. “ Gusto ko sanang bigyang oras mo yung mga papel sa mesa mo. Mag overtime ka kasi kailangan ko yung ng umaga. Wag ka magalala. Dadagdagan ko ng kalahati ang sweldo mo sa akinse. Maliwanag? “ Tumango na lamang ako at dumeretso na sa aking mesa.  Naiinis ako, kung kailan magpapahinga na ako, kung kailan na makakatulog na ako’t makakain ng maayos. Mga ilang oras pa, natapos ko ang pinapagawa sa akin. Mula alas kwatro, natapos ako ng 9 ng gabi. “ Tapos ka na? sabi ni Manong Guard. “ Oho! Salamat ho sa pagbabantay! “
Kumaway na ako at nagpaalam. 
Napaka malas talaga ng gabi na iyon. Hindi na ako nagtaxi , kaya naman, nilakad ko mula oposina hanggang sa LRT dahil nga sobrang sikip ng daloy ng trapiko. Sa aking paglalakad, ang tanging dala ko lamang ay ang aking wallet at ang aking cellphone. Iniwan ko kasi ang iba kong gamit sa opisina dahil natapos ko na naman lahat ng dapat kong gawin.  Naglalakad ako sa masikip na lakaran. Sa aking paglalakad, nakasalubong ko ang isang lalaking nagmamadali at sa kaniyang pagmamadali natabig niya ako. “ Sorry,” Tapos dumeretso na siya sa paglalakad. Binaliwala ko iyun. At sa wakas, nakarating na rin ako sa LRT at dumeretso sa loob, mabuti na lamang at wala akong nakasabay masyado na pasahero kaya naman ako’y nakaupo ng mapayapa at maluwag. 
Sa aking pagkakaupo, naalala kong ipaalam sa aking pamilya na malapit na akong makauwi. Ayaw kasi nilang bigla na lamang akong kakatok sa bahay. Kaya naman kinapa ko ang aking cellphone sa aking bulsa, sa kasamaang palad, wala na ito. “ Tinamaan na ng lintik! “ Napasigaw na lamang ako sa sobrang inis. Nadukutan pala ako nung lalaking nakabangga ko kanina. Tumingin ang mga tao sa paligid ko. Nagtataka sila kung bakit ako napasigaw kaya naman humingi na lamang ako ng tawad sa kanila.
Sa subdivision kami nakatira ng aking pamilya. Medyo may kalayuan din ito mula sa entrance nito. Mabuti na lamang at may kaunti pa akong pera at nakahanap ako ng tricycle. Sobrang ingay ng sinakyan ko. Hindi ko nga sigurado kung talagang narinig ko ang dinaanan kong mga bahay na sumigaw ng “ Ano ba yan!” Madilim na sa daan. Tahimik na ang mga kabahayan. Halos patay na lahat ng ilaw ng mga bahay na nadaanan ko. Ang tanging nagbibigay liwanag lamang sa aking dinaanan ay ang mga ilaw sa poste at ang liwanag ng buwan. Sa wakas, nakarating na ako sa bahay ko. Tahimik ang kapaligiran. Malamig ang simoy ng hangin noong mga oras na iyon. “ Tao po! Rossally! Anak! “ Sa unang pindot ko ng doorbell, kumpiyansa ako na may magbubukas ng pinto pero ng maulit ko na ito ng mga aoat na beses, kinabahan na ako. Nagtaka na ako kung bakit walang sumasagot sa aking tawag. Halos Alas Dyis na nung nakaisip ako ng paraan para makapasok. Dahil mababa lamang ang bakod, inakyat ko ang bakod ng aming bahay at sinubukang pumasok sa bahay. “ Hoy! Anong ginagawa mo diyan!? “ Nagulat na lamang ako sa sigaw na iyon. Pagkalingon ko, nakatutok ang ilang ng flashlight sa aking mukha, mga sekyu pala ng subdivision iyon na nagiikot ikot. “ Sir! Bahay ko po ito! Wala kasi akong susi! “ Bumaba na ako. Baka kasi maulanan ako ng bala kung itutuloy ko ang pagakyat ko. “ Susi? Ang pagkakatanda ko, May naghabilin ng susi sa may guard house. Halika, sumama ka sa akin. “ Sumama na ako sa kaniya. Inabot kami ng 30 minuto ng paglalakad mula sa amin papunta sa guard house. Pagkapasok ko ng maliit na kwarto, sumambulat sa akin ang isang guwardya na hindi katangkaran at mukhang isang masayahing tao. “ Sir! Nakapasok na pala kayo! Sabi nga pala ni Ma’m na ibigay sa inyo itong susi. Nasa isang party daw po sila, sa inyong Ina na daw po sila magpapalipas ng gabi kasama ang inyong anak. “ 
“Pare! Sama naman ako sa Fun Run! “ Tumawag si Danny. Binulabog niya ang linggo ng umaga. “ Sama ka? Kita tayo sa M.O.A, Malapit dun yung starting point. Ok?” Bigla niya nalang binababa ang telepono. Nagalmusal ako, Naghanda ako ng kaunting pera at ng gamit pagkatapos ay dumeretso na ako sa lugar kung saan kami magkikita. Maraming tao doon.  Halos karaihan ay mga makikisig ang katawan. Ang iba, pamilya ang kasama, ang iba, matatanda na. Kung iisipin, normal silang mga Pilipino. Mga Pilipinong ang ninanais ay ang maayos na kalusugan at matipunong pangangatawan. Mga Pilipinong walang inisip kundi ang sariling kapakanan. Nainis ako sa mga nakikita ko habang ako’y tumatakbo. Hindi ko nga rin napigilang huwag pagsabihan si Danny na magtapon ng pinaggamitang paper cup sa daan. Nakita ko kung paano kaignorante ang mga Pilipino ukol sa isyu ng kalikasan. Mabigat sa damdamin ko na makita ang lugar na ganito. 
“ Kuya! Maraming salamat po sa pagkain. Kahit hindi niyo na po ako bigyan ng pera. Sapat na po yung pinakain niyo ako. “ Nagpsalamat ang bata sa akin na parang hindi siya naghihirap ngayon. Ngayong busog na ang tiyan at pagkatao niya , hindi mo mapapansin na gulagulanit ang damit niya dahil sa mga pagsubok na sumasabit dito. “ Teka, Sandali, Sumama ka muna sa akin. May ibibigay pa ako sa iyo. “ Naaawa talaga ako sa batang ito. Isa lang kasi siya sa mga batang naapektuhan ng kalupitan ng lungsod.
Habang kami’y naglalakad, naikwento niya sa akin ang ilan sa mga nangyari sa kaniyang buhay. Kung bakit siya nagiisa, kung bakit siya naging ulila sa buhay, at kung bakit siya pinabayaan ng kaniyang mga magulang. Si Bea, Sampung taong gulang ay dating naninirahan sa ilalim ng tulay. Ang pagkakasabi niya sa akin, 8 silang magkakapatid at pangalawa sa magkakapatid. Ang Kuya niya, Naglayas at hindi na muli nagpakita, ang apat na maliliit na batang kapatid niya ay binawian ng buhay dahil sa gutom at sakit at ang dalawa pang natitirang kapatid niya ay pinagtatrabaho dapat ng kaniyang mga magulang pero sa kasamaang palad, inabuso ng amo at pinatay. Siya nalang ang natira sa magkakapatid. Nakakalunkot mang isipin pero , Iniwanan din sila ng tatay nila. Pinabayaan sa ilalim ng tulay. Maaring tapos na ang lahat para kay Bea, pero hindi pa pala. Hindi pa tapos ang tadhanang magbira dito. Nagkasakit ang kaniyang Ina at mabilis na binawian ng buhay. Pagala gala na daw siya sa kalye. Nakakarating siya ng simbahan ng panlilimos. Nakakarating siya sa iba’t ibang lugar para lang mabuhay at mukhang ito na ang regalo ng Diyos sa kaniya, ang pagkaligtas sa pahamak.  Dito ko naramdaman na mas nahihirapan pa pala siya kaysa sa akin. Hindi pala ako dapat sumuko sa lahat ng pagsubok.
“ Halika rito. Huwag kang mahiya. “ Niyaya ko si Bea papasok ng mall. “ Hindi po ba, bawal ako diyan? “ sabi niya. “ Magtiwala ka sa akin. “ Nginitian ko siya at hinawakan ko ang kamay niya. Sa aming paglalakad papunta sa mall, Pinigilan ng guwardya si Bea. “ Hephephep, Bawal ka dito. Alis! Alis! “ Tinaboy niya ang bata na parang pusang ligaw. “ Hoy! Sinong may sabi sa’yo na itaboy mo siya ng ganyan? May karapatan ka ba? Kasama ko siya. Sigurado ka bang guwardya ka? Pakisigurado naman kung totoo kang tao o hindi. Salamat! “ Sininghalan ko siya. Napakakapal ng mukha niya para sabihan ang isang walang kalaban laban na bata. Isinama ko si Bea sa isang tindahan ng punong puno ng laruan. Kung hindi niyo itatanong, ang lahat ng tao ay nagtitinginan sa amin. Tila nagtataka kung bakit mayroon akong dalang batang babae na gusgusin. “ Bea, Huwag mo nalang silang pansinin ha? Pili ka nalang ng gusto mong laruan? Ok? “ Masayang masaya si Bea sa kaniyang mga nakita. Makikita mo sa kaniyang ngiti na parang bagong bago sa kaniya ito. Ang ngiti na wari ko’y ngayon lamang nagpakita sa buong buhay niya. Mga ilang saglit pa, napatigil na lamang siya sa paghahanap ng laruan at napatitig sa isang stuff toy na kamukhang kamukha ni Dora the Explorer. “ Gusto mo ba ‘yan? “ tanong ko. “ Opo.. sana. “ sabi niya. “ Siya sige, Kukuhanin na natin iyan. “ Masayang masaya si Bea. Sa sobrang saya at sabik niya sa laruan, hindi na namin hinayaan na ilagay sa isang supot ang binili naming stuff toy. Niyakap niya ang laruan. Pagkatapos noon, humanap kami ng iba pang mapapasyalan. Pumunta kami sa Department Store,Ibinili ko siya ng ilang damit at pinaltan ko ang kaniyang plastic bag at ibinili ng totoong bag. Galing rin kami sa palaruan, tapos nanood din kami ng sine. Alas dose na ng tanghali kaya humanap naman kami ng makakainan. “ Bea? Bakit mo nga pala napili yang laruan mo? “ tanong ko. “ Kasi po, Kamukha niya po yung isa sa mga kapatid ko. Namimiss ko na po kasi siya. “ Sabi niya habang puno ng kanin ang bibig niya. “ Talaga? Mabuti nalang pala at naisama kita dito at maibili ng laruan. Kung hindi, malamang umiiyak ka ngayon dahil miss mo na sila. “ 
“ Oo nga po, Saka, alam niyo po, Ito po ang pinakauna kong laruan. Hindi ko po ito talaga papakawalan hanggang sa mamatay ako. “
“ Ikaw talaga! Kumain ka na nga lang! “ Napangiti naman ako sa biro niya. Marahil sa kaniyang pagkainosente kaya niya nasasabi ang mga ganoong bagay. Naging masaya ang araw na iyon para sa kaniya. Kasing liwanag ng araw ang kaligayahan at ngiti na mayroon siya ngayon. Ala Una na kaya naman kailangan ko nang umuwi at maghahanda kami para sa pagsimba namin mamaya. “ Bea, babalikan kita sa Lunes ha? Lunes ng 6 ng umaga. Ok? Ihahanap kita ng tahanan para hindi ka pagalagala. Ok lang ba? “ 
“ Ganito na lamang po, Hintayin niyo po ako sa Lomian na kinainan natin kanina. Kung makakapunta po ako, ibigsabihin po, Pumapayag ako, pero kung 10 po ng umaga ay wala pa ako, ibigsabihin po ay hindi ako pumapayag. “ Natawa na lamang ako at sinabing, “ Sige, Dalhin mo yang bag mo saka si.. ano bang pangalan ng laruan mo? “
“ Si Cecil po. “
“ Siya sige, Dalhin mo siya ha? Magiingat ka. “
Naghiwalay na kami. Sana hindi siya mapahamak mamayang gabi. Sana magkita pa kami ng Lunes ng umaga ng madala ko siya sa DSWD upang doon ay mapangalagaan. Ipinaalam ko kay Rossally ang mga nangyari. Naantig din ang puso niya sa mga kwento ko. Kaya pumayag siya na tulungan namin si Bea. 
Hindi ako makatulog ng maayos. Marahil sa lakas ng ulan o kaya naman ay sa kasabikan sa pagkakaroon ni Bea ng bahay na matatawag niyang tahanan. Hindi ko matanto kung ano ang nararamdaman ko. Sumasabay ang patak ng ulan sa damdaming nasa loob ng aking puso. Ipinapanalangin ko na sana, maging ligtas siya ngayong gabing ito. Kinakabahan kasi ako, kumakabog ang dibdib ko sa bawat buhos ng ulan. Napakalakas ng ulan ng gabing iyon kaya naman maingay ang kapaligiran. Pumapatak ang bawat butil ng ulan sa aming bubong. Sumabay ang lamig ng kwarto sa init na nararamdaman ko sa ilalim ng kumot. Naalala ko si Bea. May kumot kaya siya ngayon? May masisilungan kaya siya ngayon? 
“ Mark! Gising na! May kailangan kang malaman. “ Ginising ako ni Rossally. Naramdaman ko na ang kamay niya ay malamig at pinagpapawisan. “ Anong nangyari? “
“ Makinig ka sa balita.”
Narinig ko ang balita at ang sabi, ang ulan daw kagabi ay nagdulot ng malakas na pagbaha sa kalapit Maynila, Parang sa Rizal wari ko ang pinakaapektado. “ Si Bea, Nanganganib si Bea. “ sabi sa akin ni Rossally. Hindi na ako nagatubili pa. Nagmdali ako sa Lomian kung saan kami kumain ni Bea. Kumakabog na naman ang aking dibdib. Nawalan na ako ng oras na punasan ang pawis na nasa aking noo. Nagmaneho ako papunta sa lugar na iyon. Bahang baha sa kalsada na dinaanan ko kaya naman ang 30 minutong pagmamaneho ay inabot ng isang oras. Pagdating ko sa lugar na iyon, sarado ang tindahan. Walang tao, walang bakas na naroroon si Bea. Mga ilang saglit pa, napansin namin ang ilang mga tao na nakakumpol at wari ko’y may tinitingnan sa may isang tabi ng Manila Bay. Lumapit kami ng aking asawa pero nawalan na ako ng lakas ng loob ng lumapit pang muli. Nakita na lamang namin na lumulutang si Cecil sa bahang kalsada. Ang unang stuffed toy na palang iyon, ay ang huli niya narin. 

No comments:

Post a Comment