Takure (MK)


Sa lahat ng mga bagay na naranasan ko sa buhay, isang bagay lang ang hindi ko gustong maranasan muli, ang pagsisisi. Naalala ko noon, Isang malamig na umaga ang sumalubong sa akin noong umagang iyon. Ang hangin sa labas ng bahay ay humahampas sa mahuna naming bintana. Pumapagaspas ang mga puno sa labas habang sumasayaw ang mga dahon sa ihip ng hangin. Nagulat na lamang ako, na pati pala tubig ay umaagos sa loob ng kwarto. Pilit sumisingit sa puwang sa ilalim ng pintuan. Wala naman akong naririnig na bukas na gripo, patak ng ulan o kahit natapon na balde dahil kay Tootsie. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Naghanap ako ng daan palabas dahil sa bawat minuto ng aking pamamalagi sa kwarto, tumataas ang tubig.  Sinubukan kong huminging tulong, ngunit wlang tumugon. Anong gagawin ko? Lahat ng lagusan papalabas sa kwarto ay nakakandado mula sa labas. Tumaas ng tumaas ang lebel ng tubig sa loob ng kwarto. Naramdaman ko na ang paborito kong kumot ay nababasa na. Malamig na rin ang pakiramdam ko sa unan sa aking ulunan. Muli, naghanap ako ng malalabasan, pero wala. Nagdasal nalang ako. Nagdasal,nagdasal,nagdasal. Hanggang umabot na ang taas ng tubig sa aking mukha. Nabasa ang buong ulo ko. Maligamgam pala ang tubig na umaagos sa kwarto. Naramdaman ko rin na parang humahampas ito sa aking mukha.Nakakapagtaka, dapat kasi lubog na ako sa tubig. Pero hindi, pakiramdam ko, pumapatak parin sa aking mukha ang tubig na dapat ay isang taib na lamang. At ditto ko nalaman na panaginip lang pala ang lahat.
            “ Hoy Amiel, wala ka bang balak bumangon diyan? Gumising ka na tamad. Mahuhuli ka na sa eskwela mo. “ Iyan ang lagi niyang sinasabi sa akin tuwing gigisingin na niya ako. Naiinis talaga ako sa aking ina. Tuwing umaga, ang mga mararahas niyang salita ang gumigising sa aking mahimbing na pagkakatulog. Tuwing almusal, sa akin lagi ang tirang sinangag at ulo ng Tuyo. Matagal na akong nagtitimpi sa kaniya. Lahat nalangmali, lahat bawal. Kailan ko kaya mararamdaman ang tamis ng pagmamahal ng tunay na ina? Kailan? Minsan, ipinagpapasaDyos ko na lamang ang mga nangyayari. Wala akong magawa.
            Ako ay nasa Ikatlong taon lamang sa Mataas na Antas ng paaralan. May mga kaibigan ako, kaaway, kalaro, kaututang dila. Pinagbubuti ko ang pagaaral ko. Sa katunayan nga, kasama ako sa unang sampu ng nakakuha ng mataas na marka para sa una hanggang ikatlong markahan. May kasintahan ako. Mga ilang buwan pa lang kami ni Ella.  Mag dadalawang buwan lang. Sabi nila, hindi daw kami bagay, sabi naman ng iba, “meant-to-be” daw. Hindi ko alam. Basta alam ko, mahal ko siya.
            Kung kalian kami naging Masaya ni  Ella, saka naman kami pinaghihiwalay ng aking ina. “ Tigilan niyo nga yang kahibangan na iyan! Kung pinagbubuti niyo ang pagaaral niyo, hindi yung sinasayang niyo sa walang kabuluhang bagay. Ineng, sa ngayon, hindi kita matatanggap. Pasensiya na. “ sabi niya sa amin noong una kong ipinakilala ang aking kasintahan sa kaniya. Kaya naman, hindi na naming pinatagal ang aming relasyon at pinagbuti ang pagaaral.  
                                                              *********
Nagaral ako ng mabuti. Isang taon ng pagaaral at masasabi kong may makakamit ako balang araw dahil sa galling at nakamit kong edukasyon. Ngunit sa pagkamit ng tagumpay, daladala ko ang mga bisyo, Alak at sigarilyo. “ Pare, tagay ka pa! “ sigaw ng kaibigan ko habang nagiinuman kami. Gabing gabi na noon. Kasama ko ang aking mga kaibigan, pati si Ella. Umiinon din siya. Daig pa nga niya ang dragon kung bumuga ng usok mula sa bibig. Naimpluwensiyahan na siya ng mga taong nasa paligid niya. Lumiligid ang mga bituin sa kalangitan. Sumasayaw ang mga hibla ng buhok ni Ella sa ihip ng hagin. Nagkakatuwaan kami sa ilalim ng buwan, kahit tiyan ay walang laman. “ Pare, kumusta naman kayo ni Ella? Graduate na tayo hindi ba? “ sabi ng isa kong kaibigan. “ Ayos lang kami. Kaso, hindi parin tanggap ni Ina ang aming relasyon, kaya patago kaming nagkikita minsan. “ sabi ko. “ Talaga? Sayang naman. Baka tumanda kayong binata at dalaga sa pagaantay ng permiso ng Ina mo. Kahit na patagalin mo pa ang pagtatago niyo, sa kasalan din naman ang tuloy niyan. Mabuti pa, unahan niyo na ang Nanay mo para masarap na ang buhay. Wala ka nang iintayin pa. “  payo niya. Nangilabot ako sa payo niyang iyon. Hindi ko na lamang pinansin dahil siguro’y lasing na siya at hindi na alam ang mga sinasabi.  Tuloy-tuloy lang ang kasiyahan namin. Halos naubos na naming ang apat na plato ng Sisig sa lakas uminom ng mga kasama ko. Si Ella, lasing na rin. Hindi ko na din namalayan ang mga nangyari. Umiikot ang paningin ko. Kung anu-ano na ang mga sinasabi ko. Mga ilang saglit pa, itinayo na ako ng dalawang tao. Pumapalag ako noong una, ngunit mga ilang saglit pa, nang Maaninag ko na ang  nakakaakit na mukha ni Ella, nagising nalang ako sa ibang kama, yakap ang responsibilidad na hindi ko dapat pakawalan.
“ Asan ang anak ko?! Asan si Amiel?! “ narinig ko nalang si Ina sa labas ng pintuan ng bahay ng kaibigan ko. “ Ilabas niyo siya! “ Nainis ako sa kaniya noong mga oras na iyon. Wala siyang pakundangang magiskandalo sa ibang bahay at ipahiya ako. Dali dali akong lumabas at sinabing, “ Ina, Tama na. Uuwi na ako. “
Ayaw naming ipaalam sa mga magulang naming ang nangyari at ganoon rin ako. Ipapahiya niya lang ako sa iba. Ipagkakalat na magkaka-apo na siya. Noong gabing iyon, napagdesisyunan na rin naming na magtanan. Hindi ko man alam ang tatahakin ko, pero kailangan, hindi niya ako matatanggap ng ganito kaya lalayo na lamang kami.
Pag dating ko sa bahay, sermon agad ang natanggap ko mula sa kaniya. Oo, nagkamali ako, kaya naman humingi ako ng tawad kay Ina. Pero nang sumilip na ang araw, hindi na niya ako muli nasilayan.
                                                ********
Naghanap ako ng trabaho. At sa kabutihang palad, naging janitor ako sa isang maliit na restawran. Habang tinutustusan ang pangangailangan ni Ella at ng magiging anak naming, nagsisikap ako na buhayin sila at wala akong pinagsisihan. Ayaw na ayaw ko na, pagkalabas na pagkalabas ng anak ko, ituturing niya ang buhay namin na parang impyerno. Kaya nagsumikap ako, nagtiyaga para sa pamilya ko. Nagbuwis buhay ako upang mabuhay ang anak ko. Mabuti na lamang at mabait ang boss ko. Ginawa akong Personal na katulong niya. Musikero ang boss ko. Kaya naman malaki ang demand ng pagiging personal na katulong niya sa lahat ng kaniyang gagawin. Biniyayaan ako ng mahal na Panginoon sa aking tinahak na landas.
“ Itay! “ sigaw ni Junior mula sa kalayuan. “ Tingnan niyo yung nasa telebisyon oh! Bahang baha sa Maynila! “ Nagtaka ako sa balita. Wala naming bagyo. Habagat lang naman, pero bakit napakalaki ng pinsala? “ Sira sira yung bahay! Nakakaawa naman sila. Halos 20 na daw ang namatay at marami pa ang nawawala. “ sambit ni Ella habang naghahain ng pagkain sa mesa.” Ang nakakapagalala lamang Amiel, sa lugar nina Inay iyon pati narin ang iyong Ina. Hindi ka ba nagaalala? “ pagaalala ni Ella. “ Hindi, Bakit naman? Ang masamang damo, matagal mamatay. Halika na Junior, kumain ka na.” Yaya ko sa aking anak. Habang kumakain, hindi ko mapigilang isipin si Ina. Ang lahat ng masasamang ginawa niya. Ang pagbuhos ng maligamgam na tubig, ang paglait tuwing umaga, ang patira ng kanting sinangag at ulo ng tuyo at ang pagiiskandalo sa bahay ng kaibigan ko . Sa lahat ng bagay na ginawa niya sa akin, mabibilang mo sa daliri ang mga mabubuting ginawa niya bilang Ina. “ Amiel, ang mabuti pa, pumunta tayo sa Maynila. Hindi ko pwedeng hayaan si Inay doon. “ “ Pero-“ “ Wala ng pero pero. Bukas ng umaga, iiwan muna natin si Junior kay Mang Saling. “ Nagdesisyon na agad siya. Hindi na ako nakatanggi.
            “ Ella? Amiel? “ Titig sa amin ng isa kong kaibigan sa Maynila. Hinanap naming si Ina sa Evacuation Center ngunit wala siya doon. “ Anong nangyari sa inyo? Saan na kayo nakatira?“
“Mahabang kwento. Nakita mo ba si Ina?” Pagtatanong ko ng may halong pagaalala. “ Ang Ina mo? Si Aling Maria? Hindi mo na dapat siya hinanap. “ Biglang bumilis ang tibok ng puso ko.Lumihis ang mukha niyang pagod na pagod papunta sa malunkot na nagaalalang mukha. Nagpawis na ang ulo ko, nangangatal ang tuhod. “ Wala na siya. Bago pa man siya mamatay, Ibibigay ko sana ito sa’yo. Kaso dumating itong lintik na bagyo. Eto, galling sa iyong Ina.” Iniabot niya ang sulat na mukhang matagal tagal na naisulat ni Ina. Dahan dahan kong binuksan ang sulat.


Amiel,

                        Kung nasaan ka man ngayon, hindi na kita hahanapin pa. Dahil alam ko na, hindi ka magpapahanap. Wari ko’y may anak ka na raw?  Mahusay iyan. Pinagmamalaki kita. Kung inaakala mo’y hindi kita matatanggap dahil may anak ka na, nagkakamali ka. Ngayon pang pinatunayan mo na ang sarili mo na kaya mo, mapapanatag na ang loob ko. Hindi ko na pahahabain pa ang liham na ito. Gusto ko lamang sabihin sa iyo na Mahal na mahal kita anak. Hindi ko na kayang iharap ang mukha ko sa’yo. Nahihiya na ako. Ang dami ko palang nagawa sa iyo na hindi mo nagugustuhan. Kung nasaktan man kita, sana mapatawad mo ako kahit na naging masama akong ina. Huwag mo akong tutularan ha? Lalong lalo na ang tatay mo. Ang gusto kong mangyari, alagaan mo ang anak niyo ni Ella. Sana naman, lumaki siyang mabuti at hind suwail na anak. Ipakita mo sa kaniya na mahal mo siya. Araw-araw, magmahalan kayo. Walang iwanan. Mahal na mahal kita anak. Paalam.

                                                                                                                                                        Nagmamahal,
                                                                                                                                                                  Ang iyong Ina
           
Isang napakalaking pagsisisi ang naramdaman ko noong mga oras na iyon. At sa puntong iyon, bumaha ng luha sa silid ng damdamin. Doon ko nabatid na hindi pala ako nananaginip. Hindi pala ito isang panaginip na kaya akong gisingin ng maligamgam na tubig na galling sa takure ni Ina.

No comments:

Post a Comment