Minsan (MK)





Ang dilaw na kalangitan ay lumiligid sa lugar ng paghahawan. Tahimik at hindi maliparang uwak. Sa unang tingin, aakalain mong walang mga nakatindig na makikisig na puno sa lugar na iyon, ngunit, meron pala. Mga ilang saglit pa’y, umugong na ang mga sasakyang ginamit sa paghahakot ng torso. Ikinarga narin ang ilang mga chainsaw sa sasakyan. Dahandahang nawala ang maiingay na tahol ng mapanirang tambutso at natira na lamang ang dalawang anino sa gitna ng napanot na kagubatan.
“ Ang sabi ng ibang matatanda samin, kapag daw nakipagsalo ka ng isang inumin sa kapwa mo, magiging magkakapatid na kayo. “ paliwanag ni Kal. “ Hindi ba alak lamang ang maaring inumin? Bawal kaya sa atin yun. “ sabi ni Sado. Sa isang saglit, napangiti si Kal na para bang may balak na magugustuhan ng lahat. “ Hindi naman tayo iinom ng alak. Nakakita ako ng puno ng buko sa silangan ng gubat. Maiinom natin yung tubig nito. “ Hawak hawak na niya ang tatlong buko at inilapag sa madamong lupa. “ Sandali lang! Kukuha lamang ako ng gulok sa bahay, “ Kumaripas ng takbo si Lupi, ang pinakabata sa magkakaibigan. Lumiligid nag bilog na buwan. Pumapaspas ang mga sanga ng mga puno roon. Umuugong ang huni ng kuwago sa kalayuan. Naglalaban ang init ng siga at lamig ng hangin habang nagiintay kay Lupi. 
Mga ilang saglit pa, dumating na ang bunso sa kanila. Inihanda nila ang mga iinumin. Masaya silang nakikihalubilo sa bawat isa. Walang bakas ng pagkailang ang makikita mo sa kanila. Kahit na si Sado, nagmula sa isang nakakaangat na pamilya na lumalagay malapit sa gubat kung saan nakatira ang maliit na tribo nina Lupi at Kal. Madalas tumatakas si Sado sa kanilang bahay para lamang makipaglaro sa kanila o Sumama sa pangangaso. Sa murang edad, Hindi niya iniisip kung mapagalitan siya ng mga magulang niya, ang mahalaga, maging malaya siya at makapagsaya imbis na magkulong sa kwarto, maglaro magisa, at ubusin ang maghapon sa pagaaral. Napakalupit ng tadhana para sa batang ito noon. Apat na taong gulang palang siya, ay napakahigpit na ng mga magulang nito sa kaniya. Si Sado naman, walang magawa, kaya sumusunod lagi ito sa kanila. “ Sado! Anak! Ano itong markang nakuha mo sa eksamen?” Sigaw sa Anim na taong gulang na si Sado.” Bakit po? Ako na nga po ang pinakamataas sa amin. May problema parin po ba sa marka ko? “ “ Oo! Alam mo bang kahihiyan sa pamilya natin ang magkamali ni isa sa eksamen? Ha?! Alam mo ba yun? NapakaMangmang mo! Kahihiyan ka sa pamillyang ito! “ Sinampal ng Ama si Sado na naging dahilan ng pag takbo nito pabalik sa kwarto. Umiiyak habang nagmamasid sa madilim na kalangitan mula sa gintong bintana. Pinagmamasdan ang bilog na buwan. Tila handang suntukin ito sa sobrang galit. Kumatok ang kanyang Ina .“ Sado? Anak? “ sabi nito. “ Pabayaan niyo ako! Layuan niyo ako! Kahihiyan ako hindi ba?! Hindi ba?! “ humagulhol ang bata. “ Anak, hindi sa ganoon, ay-” “Tigilan niyo na ako! Pabayaan niyo na ako!” At pagkatapos noon, tumigil na ang kaniyang Ina at hinayaan nalang na makatulog ang bata. 
Alas Onse na ng gabi, kumakahol ang mga lobo mula sa kalayuan. Ang mga paniki ay lumiligid na sa kalangitan. Umuugong ang huni ng mga kuwago. Nagising ang Mapagrebeldeng Prinsipe at napansing may nangyayaring kakaiba sa gubat na malapit sa kanila. Sumilip siya sa bintana at napansing nagsasayaw ang liwanag sa gubat. Kaya naman hindi na nagdalawang isip ang bata. Tumakas siya at pinuntahan ang gubat dala lamang ang kaniyang gasera at tapang. 
“ Sobrang lamig na, mukhang naliligaw na ata ako sa gubat na ito. “ Nangangatog na ang kaniyang mga tuhod. Huli na para magsisi at bumalik dahil hindi na niya alam ang daan pauwi. Mga ilang saglit pa, narinig niya ang umaangil na tunog ng lobo. Papalapit ng papalapit ito hanggang lumitaw na sila mula sa mga halaman. Mukhang gutom na gutom sila. Naglalaway , at ang iba, parang kakakain lamang dahil kumakayat pa ang dugo mula sa kanilang mga bibig. Lumapit ng dahan dahan ang paninila sa kanilang magiging sumila. Sa sobrang takot ni Sado, napapupo nalang siya matapos matakid sa nakausling bato. Sumisigaw na siya. “ Tulong! Tulong!” Nawalan na siya ng pag asa. Umiyak nalang siya sa kaniyang kinauupuan habang nagdarasal kaharap ang mga pangil na handang lumapa sa kaniyang murang balat.
“ Lumayo ka diyan!” Ang malakas na sigaw na lumamon sa katahimikan ay ikinagulat ni Sado pati na ng mga lobo. Sa sobrang takot, hindi na siya nakatayo . At sa minutong lalamunin na siya, may humila sa kaniya papalayo upang hindi siya matamaan ng lumilipad na tunod. “ Wag kang maingay, Dito ka lang. “ sabi ng isang anino sa kagubatan. Mga ilang saglit pa, “ Maari na kayong lumabas. “ sabi ng nakakatandang boses. Nakakatakot ang pangyayaring iyon sa kaniya. Kung hindi dahil sa tatlong aninong nagligtas sa kaniya, malamang, lasog lasog ang katawan niya sapagkat pinagpiyestahan na siya ng mga lobo. Dahan dahang tumayo si Sado at inaninag ang pagkakakilanlan ng tatlong aninong ito. “ Maraming salamat po! “ sabi niya. “ Ano ba namang ginagawa mo dito? Gabing gabi na. “ sabi ng isang batang mas matanda sa kaniya ng ilang taon. “ Oo nga! Teka, Gasera? Mga mayayaman lang ang mayroon niyan! Ginto pa oh! “ Nakatingin ang isang batang mas bata sa kaniya sa makintab na gasera na hawak hawak ng bata.. “ Galing po ako sa malaking bahay doon.” Itinuro niya ang kanilang mataas na bahay. “ Itay! Hindi ba yung bahay na iyon, ay ang mayari ng gubat na ito? “ Sabi ng magbibinatang bata. “ Anak, Sa atin ang gubat na ito. Iho, dito ka na magpalipas ng gabi. “ “ S-Sige po. Salamat po. “
“ Itay, Ano sa tingin niyo? Siya kaya yung anak ng pamilyang umaagaw ng gubat? “ bumulong ang binata sa kaniyang ama habang natutulog si Sado. “ Oo, Iyang bahay na iyan lamang ang ilang sa iba. “ Nagbulungan ang magama.  
“ Napaka Tuso talaga ng taong yan. Mabuti na lamang at may batas na pumoprotekta satin. “ 
“ Sana nga po patuloy tayong protektahan ng batas na iyan. “

“ Bata! Batang Ginto!  Gising na. Ihahatid na namin ikaw papalabas ng gubat. Hindi kami pwedeng makita ng mga tao sa inyo. “ Nakasimangot na sabi ng binata.  “ Pero- “ “ Wala nang pero pero, Halika na. “ 
“ Ayaw ko pa pong bumalik! Pakiusap po! Hayaan niyo muna ako dito. Kahit isang gabi lang. Pakiusap. “ Sa sobrang pagmamakaawa, napaluhod siya sa harapan ng Magaama. “ Tatanggapin ka muna namin dito pansamantala, pero sa isang kundisyon. “ 
“ Sige po. “
“Kailangan mong tumulong sa amin. Sa pangangaso, pangangahoy at iba pang gawain ng tribo. Maliwanag ba yun?” 
“ Maliwanag po. Salamat po talaga!”
“ Ay siya, Kumain ka na diyan. Pagkatapos mong kumain, sumama kay Lupi at Kal. Mangangaso kayo para sa tanghalian.”
Nagdaan ang oras na para bang masaya ito para sa kaniya. Naging magkakaibigan sila ni Lupi at ni Kal. Nangangaso sila na para bang naglalaro. Minsan, Nagiging paligsahan ito sa kanila .Si Kal, Nagiba ang ugali. Mula sa pagiging ignorante, naging maaalalahanin sa kasama. Ang isang araw na ipinangako ay hindi natupad, sapagkat, araw araw siyang pumupunta sa tribo ng hindi nalalaman ng kaniyang mga magulang. 
“ Mga kasama, Naririto tayo ngayon,sa ating sinumpaang kagubatan, ang ating paraiso,  upang ipagdiwang ang pagiging magkapatid natin. Sa oras na ito, Idinedeklara ko na Ako, Si Kal, Si Sado at si Lupi, ay opisyal nang magkakapatid! “ Itinaas ni Kal ang kanyang baso na gawa sa kawayan at sabay sabay nilang pinaguntog ang mga baso nila . Bago pa man mangyari iyon, “ Teka, alam niyo ba yung salitang “Cheers” ? Yun yung sinasabi nila kapag pinaguuntog ang mga baso nila. “ paliwanag ni Sado. “ Tsirs? Sheers? Cheers? “ 
“Cheers, “ 
“CHEERS! “ sumigaw ang lahat. Nagdiwang sila. Kumain ng ilang karne ng lobo, laman ng buko at iba pa. Si Lupi, Nagpakabusog, si Kal, Inaalala ang mga nakababatang kapatid at si Sado, patuloy na tumatawa sapagkat nakakatawa ang paraan ng pagkain ni Lupi. Isang gabing napakasaya sa kanila. Isang gabing nagpatunay na sila’y hindi lamang magkakatoto kung hindi ay magkakapatid rin. 
Maraming buwan ang lumipas. Araw araw silang masaya. Masayang nangangaso, nangangahoy at iba pa. Dati rati, umuuwi siya ng malinis ang paa, pero ngayon, nagdurumi na. At kahit na nalaman na ng kaniyang Ama na nagpupunta ito sa gubat, hinahayaan nalang niya ito.
“ Papa! Saan ho kayo pupunta? “ 
“Lalabas lang ako. Huwag kang lalabas ng bahay ha? Bantayan mo Lola mo. Maliwanag? “
“ Opo!”
Mabilis na umalis ang kaniyang Ama. Kasama ang Tatlong Malalaking lalaki na nakaitim na may dalang maletin. “ Maglilinis tayo ng kalat. Handa na ba kayo? “
“ Yes Sir. “
“ Mabuti, tara na.”
Hindi alam ni Sado, na patagong papatayin ng kaniyang Ama at mga kasama niya ang buong tribo upang tuluyan nang mapasakaniya ang kagubatan at mapatayuan niya ng mapagkakakitaang establishimyento. Hindi niya kasi maaring angkinin ang isang kagubatan hangga’t may nakatirang mga katutubo roon. Kaya naman, ipapamukha niyang nilapa ng mga lobo ang buong tribo at dinala sa kanilang lungga upang matakluban ang gagawin niyang krimen. 
“ Santiago. Bakit na naparito? “ sabi ni Amang Tiyo.Nagtinginan lahat ng tao roon. Ang mga bata ay ipinasok na sa loob ng mumunting bahay. Ang mga kalalakihan nama’y nagsihanda ng mga sandata. 
“ Napaka bastos naman yata ng pagbati mo. Naririto ako para bumisita. Bumisita sa aking gubat. “
“ Anong gubat?! Sa amin ito! Kami ang nauna rito! Wala kang karapatang sabihin na pagmamayari mo ito kasi hindi naman talaga! “
“ Oo, Hindi nga ito sa akin, pero sa araw na ito, pagmamayari ko na itong lupaing ito. “ Itinutok niya ang baril sa kalangitan at pinaputok ito. At sa pagputok na iyon, tumikas ang kanilang mga tindig na animo’y makikipagpatayan para sa kanilang lupain. 
“ Ibaba mo yang pumuputok na bagay na yan! “
“ Pumuputok na bagay? Itong baril na hawak ko? “ Humalakhak siya na parang nangiinsulto.
“ Ano ba yan! Ito lang? Hindi niyo alam? Papaano niyo mapapangalagaan ang inyong gubat kung hindi niyo alam kung ano ito? Paano? Pwes, Ipapakita ko sa inyo ang kahalagahan at kapangyarihan ng isang taong may hawak ng ganito. Mga alalay, Umpisahan niyo na. “ Umulan ng bala mula sa kalangitan. Ang dugo ay bumaha sa matabang lupa. Ang mga kababaihan ay nagsitakbuhan ngunit hindi nakaligtas habang si Santiago, Nasa likuran ng mga namamaril, humahalakhak.
“ Magdusa kayo! Mga palalo! “
Narinig ni Sado ang mga putukan. Ang kaniyang Impo ay nagtago na sa ilalim ng kumot sa loob ng kwarto nila. Kaya naman hindi na niya pinalampas ang pagkakataon na tumakas at pumunta sa gubat dahil alam niyang doon nagmula ang putukan. Kumaripas siya ng takbo. Dala dala ang munting sandata na ginagamit niya sa pangangaso kasama ang kaniyang mga itinuring na kapatid. Isang mahabang tubo na gawa sa bakal. Isinuot niya rin ang sumbrerong nakita ni Lupi  na nakasabit sa puno ng niyog. Suot suot niya rin ang bigay na kwintas ni Kal. Ang lahat ng mga bagay na iyon ay importante sa kaniya,Sa kanilang lahat. Kahit na marami nang naibigay ang tribo sa kaniya, hindi niya ito kinalimutang bayaran. Bilang ganti sa kanilang mabuting pagtanggap, Ibinahagi niya ang mga nalalaman niya tunkol sa mundo. Tinuruan niya ang mga tao kung paano magsulat at bumasa. Kahit sa mumunting paraan, tumatak sa puso ng mga katutubo si Sado. 
Si Kal, bilang isa sa mga magagaling na mangangaso, ay sumugod. Hindi na siya nagisip ng taktika, sumugod nalang siya ng buong tapang at sa kasamaang palad, binawian siya ng buhay matapos tamaan ng bala sa ulo. “ Asaan ang Diyos niyo? Ha?! “ Humalakhak muli si Santiago. Hindi niya alam na pumuslit si Lupi sa likod at binabalak na patamaan ng tunod ang mga mamatay tao mula sa likod. Dahan dahan siyang gumapang sa likod ng mga makakapal na halaman. Mga ilang saglit pa, naging kritikal na ang sitwasyon sapagkat tumahimik na ang kapaligiran. Tumigil na ang pagputok ng mga nakamamatay na baril. Nararamdaman niya ang lakas ng kabog ng kaniyang dibdib habang lumalapat ito sa lupa. Inihanda na niya ang kaniyang pana at dahan dahang hinila ang tali na nakalagay sa dalawang dulo ng arko. Nakahanda narin ang tatlo pang tunod para sa tatlo pang katao. Tumagos ang tunod mula sa likod sa segundong pinakawalan niya ito. At pagkatapos noon, dalawang mabilis na tunod pa ang naitarak sa dalawang likod na walang depensa. Huli na nang malaman ni Santiago na wala na pala siyang kawal. Lahat sila, patay na. Natakot na ang Sakim. Tumagaktak na ang pawis sa kaniyang malinis na noo. “ Lumabas ka diyan! “ Hindi na niya nakayanan ang takot at nagbababaril na lamang kung saan niya gusto. Kung saan saan narin tumama ang mga bala nito. Hinarap na ng bata ang kaniyang takot kaya namang buong tapang na tumayo at pinaulanan ng tunod ang Sakim. 
Sa huling minuto ni Santiago, Nakita ni Sado ang kanyang ama na tadtad ng mga tunod at si Lupi na may hawak na pana. Nagkamali siya ng akala. “ Lupi! Anong ginawa mo sa Tatay ko! “ 
“ Sado, Mali ang-”
“ Anong mali!? Mali iyang ginawa mo! Kahit a sinabi ko noon na ayaw ko sa aking Ama, Ama ko parin siya! Bakit mo kinuha ang buhay ng aking Ama?! Bakit!? Simula ngayon, Itinatakwil na kita! Kalimutan mo na ako! Kakalimutan kita. Paalam. “
Itinapon niya lahat ng mga alaala ng kanilang pagkakaibigan. Ang tubo, ang sumbrero at ang kwintas. Humagulhol ang bata sa pagkamatay ng kaniyang Ama habang tumatakbo sa masukal na kagubatan. Lumalayo sa inaakala niyang mamamatay tao na si Lupi.
“ Akala ko ba kagubatan natin ito? Akala ko ba atin ito? Akala ko ba ito ang tahanan mo? Bakit mo sinisira? Bakit? Bakit? “
“ Pinatay mo ang aking ama hindi ba? Pwes, Kaya ko ring patayin ang tanging kayamanan mo.” 
“ Sado, Makinig ka sa akin, Oo, Pinatay ko ang iyong Ama, Sana mapatawad mo ako. Pero, Papakinggan mo ba ako kung sasabihin ko sa’yo ang totoo?”
Tumahimik siya habang nakatungo ang ulo. Kumpiyansa sa sarili na puro kasinungalingan lang ang maririnig nito kay Lupi. 
“ Sa loob ng 25 taon ng kawalan ng kalayaan, Iniisip ko lagi kung paano ko sasabihn ang katotohanan sa iyo. Sado, Ang iyong Ama ang nanguna ng pagpatay. “
“ Si Papa?! Imposible, Narinig ko siya bago umalis papuntang gubat, Ang sabi niya, bibisitahin niya lang ito upang makita kung napapangalagaan niyo. “
“ Mali ang pagkakaintindi mo Sado. Naririnig ko magusap si Kal at si Amang Tiyo, Napaka tuso daw ng Ama mo. Tadtad ng kasakiman , katakawan sa kayamanan at kapangyarihan. “
“ Hindi! Hindi maa-”
“ Sado! Hindi ka man lang ba nagkaroon ng tiwala sa akin? Minsan tayong naging magkaibigan. Minsan tayong sinubok ng tadhana. Minsan tayong naging magkapatid. Ni Minsan ba? Sa mga oras na nakakulong ako? Hiningan mo ba ako ng pahayag tunkol sa aking nararamdaman? Wala hindi ba? Bakit hindi mo ako pagkatiwalaan? “
Umiyak si Lupi at napaluhod sa lupang dati rati’y maramong lugar. Hindi na kinaya ng binata na pigilan ang nararamdaman nito, kaya naman humagulhol na siya na parangnaghihinagpis na lobo. Naalala niya si Kal, si Amang Tiyo at ang iba pa niyang mga ka tribo.” Alam mo ba kung anong ginawa ng iyong Ama? Kung paano kawalang awang pinagbababaril ng iyong ama ang buong tribo. Mapa Bata man o Matanda. Babae o lalaki, hindi niya pinalampas. Isipin mo naman yung kalagayan ko Sado! Naulila ako ng murang edad, Walang magaalaga, magpapakain. Mabuti na nga lang at kahit papaano ay marunong akong mangaso. Di tulad mo na may kamaganak pa na magsusubo ng gintong kutsara sa bibig. Sinira mo pa itong kagubatan na ito na noo’y isang paraiso para sa atin. Papaano na kung lahat ng kagubatan ay mapasaiyo? Kakalbuhin mo rin?”
Ang dalawang binata ay nagsitigil sa pagimik. Walang makapagsalita sa kanilang katahimikan. Natulog na ang Haring araw at umultaw ang liwanag ng buwan. Mga ilang minuto pa’y kumahol na ang mga lobo ng gabi. 
“ Naalala mo yung oras na iniligtas ka namin , Sado? Naaalala mo yung oras na nangangaso tayo? Naaalala mo yung oras na naging magkakapatid tayo ni Kal dahil sa tubig na mula sa buko? Hindi ba minsan sa buhay mo, naging masaya ka? “
Humihibik na si Sado. Nakikita mo na ang mumunting kristal na lumalabas sa kaniyang malulunkot na mga mata. Malunkot na malunkot ang dalawang binata. Si Lupi ay halos halikan na ang lupa sa sobrang lunkot. At sa huli, napaluhod narin si Sado at napatingin sa lupa. May napansin siyang tila nakabaon dito.
“ Diyan ko nga pala ibinaon yung mga naitapon mo noon. Yung kwintas, Sombrero pati na rin yung mahabang tubo. Sana maalala mo pa. “
Natulala si Sado. Hindi niya akalain na makikita niya pa ulit ang mga bagay na bumuo sa kanilang pagkakapatiran. 
“ Kung mapapatawad mo ako? Maibabalik pa ba natin ang paraisong ngayo’y nasira mo na? Para sa atin? Para sa tribo? Para sa gubat na ito?”

No comments:

Post a Comment