Ang Batang Naghangad ng Pag-ibig

Parang Ewan ang panahon ngayon. MagUundas na. Bukas na nga e. Pero bakit ganito? Ngayon pa bumuhos ang ulan? Ayos na ang paglilinis namin ng nitso ni Kuya Jabar. Masarap sa balat yung nababasa ka kasabay ng init ng araw. Parang kang papsikel na malapit nang matunaw ngunit inilagay uli sa pridyider. Sa ngayon, sampung piso palang ang nakukuha ko mula sa paglilinis. At sa ngayon din, marami nang mga taong tumatawag sa amin upang magpalinis.

 " Jabar! Dino! " sigaw ni Ama mula sa ilalim ng ibang bubong ng mga nitsong daig pa kami at may bahay, kami, sirasira.
" May trabaho kayo uli! Pinapalinis ni Mr.Cruz yung nitso na dati niyong nililinis."

 Pero kahit umuulan, biyaya ang ipinamukha sa akin ng Diyos. Biro mo, May pangdagdag na naman ako sa sampung pisong ito at eto pa, nakasilong kami sa paglilinis. May bahay kasi yung nitso. Isang malaking bahay. Umuulan, Umuulan ng aso't mga pusa. Naghahalo ang amoy namin ni Kuya sa patak ng ulan, kaya siguro nanunuyo ang mga halaman.
 Tinakbo namin ni Kuya ang papunta ruon. Hindi naman masyadong kalayuan, mga 15 na dipa lang naman ang layo mula sa kinatatayuan namin. Buhat ng gamit, ng tubig at saka sinugod ang mapanlinlang na ulan. Nagsimula na kaming maglinis.

 " Grabe talaga itong si Mr.Cruz. Ampagkayaman o!" sabi ko habang nakatitig sa Nitso ni Maria Teresa Jesusa San Martin Cruz. Hindi sila banal. Hindi.

 " Biro mo naman Dino. Ikaw na ang magmayari ng kumpanya. Ang napangasawa pa ee kapwa mayaman din. Ay lalangoy ka sa ginto. "

 Hindi ko maipinta ang mukha ni Kuya noong mga araw na iyon. Hindi ko siya maintindihan. Parang may dinaramdam siya na wala. Tatanungin ko ngunit hindi naman sasagot. Pag kulitin mo, magagalit. Pag pinapatawa mo naman, wala lang. Halos siya na ang maging basahan dahil sa subsob niyang pagkakatayo. May problema itong mokong na ito.

 " KUYA! ANO GA!? IKAW GA'Y AYOS LAMANG!? PARA KANG EWAN DIYAN. UMAYOS KA NGA! "

Nakakaiyamot na. Hindi siya ganoon dati. Noong isang taon, ni maski sa bahay, lahat ng trabahong mahihirap, itinatawa lang niya. Lahat ng trabaho, pakiramdam niya ee para siya laging naglalaro. Bilang desinwebe anyos na binata, hindi mo mahahalatang desinwebeng anyos na bigotilyo. Parang kinse lang ang mokong.

 "Ano bang pakialam mo? " sabi ni Kuya Jabar ng malamlam ngunit galit.

Nakatitig lang siya sakin habang nakakunot ang noo. Napakablanko ng mga mata. Walang gustong sabihin kundi, " Wag kang makialam."

 " Hindi ka naman ganyan dati eh. Ano ga talagang problema? " sabi ko ng mahinahon.

 " Hindi ko alam. Nawalan ako ng pagkatao. " napaupo na lamang siya sa isang tabi.

Bumubulong ang buhos ng ulan sa aming mga tenga. Ang hangin, malakas. Parang nag-ggym na ito.

 " Ano? Linawin mo, Nakakapasok ka lamang, makata ka na. " Sambit ko.

 " Hindi mo maiintindihan! Bata ka pa, Dose anyos ka pa lang. " sigaw ng bigotilyo.

 " Pero-"

 "Dino. " Tinitigan niya ako ng masama. Na parang nagiging pula ito. Si Kuya Jabar yung tipong hindi nagkekwento. Pati kina Ina at Ama. Para sa kaniya ang para sa kaniya. Ang mga nalalaman niya ay para sa kaniya. Hindi niya ito kayang ituro sa akin. Ang pagkain niya ay para sa kaniya, siya lamang ang nakakain. Madamot yan. Pero kahit na ganoon, malambot ang puso niyan. Hindi siya nananakit kung ayaw niya mamigay, magbibigay siya. Kung may isang pakete ng biskwit siya, bibigyan niya ako, kaso, pakain sa manok.

 " Kung alam mo ang ibigsabhin ng PagIbig, malamang maiintindihan mo ako." Bulong niya

 " Ganito ang mga nangyari. . ."

       Sa Pagbibig, Pareho kayong magbibigayan. Wala dapat mawalan. Parang tayo, sa pagkain, wala dapat sa ating lahat ang may sobra at may kulang. Sapat dapat. Hindi yun parang, nagbayad ka ng labis, sukli ang ibibigay sayo. Sa Pagibig nasusukat ang iyong tapang, at pagiging handa sa lahat. Kapag umibig ka, Masakit, Rurupok ang damdamin mo na parang chicharong sobrang kunat. Pero kahit ganoon, Masarap ang PagIbig, Masarap umibig. Kapag Pagibig na ang nilunok mo, kikilitiin ang tiyan mo. Mararamdaman mo na parang lumilipad ka at nakalutang. Lalo na kapag kasama mo ang mahal mo sa buhay. Magbabahagi kayo ng pagibig sa isa't isa. Sa tao nagmumula ang PagIbig. Sa tao. Pero minsan, sa Tao rin ito nagtatapos. Masyado akong nasaktan noong mga araw na iyon, kung saan nawala sa akin ang aking PagIbig. Ang kaisa isa kong PagIbig. Parang pinagsukluban ako ng langit at lupa sa nangyari. Matapos kong paghirapan. Matapos kong suyuin ang taong gusto kong magbahagi sa aking ng pagibig, bigla itong nawala, bigla itong nawala na parang bula. Na parang kandila sa mga nitso, bigla bigla na lamang naglalaho.

 " Woow, Masarap siguro yang PagIbig na yan ano? Hinahanap hanap mo ee.Gusto ko rin ng PagIbig. Saan nakakabili non? "

 " Sinabi mo pa Dino. Nakakaadik ang PagIbig. Hahanap hanapin mo pagkatapos mawala. Iiyakan mo pag nawala. Ganito ito kasarap. Ganito ito kalasa sa damdamin. Gani-"

 "HEP! TAMA NA! Nagdudugo na ang ilong ko sayo. Tapusin na natin ito nang maging bente itong kinita ko. Limang piso lang sayo! "

Dali dali kong kinuha ang mga panlinis at inagaw ito mula sa kaniya. Sa aking pagagaw, napatayo siya at saka nagkasigla ang mukha niyang noo'y maulap na kalangitan. Pagkatapos na pagkatapos, hindi na namin namalayan na hapon na. Kaya naman bumalik na kami sa amin. Ngunit hindi na ako sumunod sa kaniya paglabas namin ng sementeryo. Gusto ko siyang pasayahin. Kaya naman ako'y lumayo at dumeretso sa bakery. Naghanap ako ng tinapay na siguro'y makakapagpasaya sa kaniya.

 " Mang Nena! Pabili nga ho nare! Isa pak lang. Magkano ho? Sampo? Sige ho!"

 Umiiyak si Kuya pagdating ko sa bahay. Pinapakalma nina Ina at Ama sa may kama. Mukhang nagsabi siya ng problema sa aming magulang.

 " Oh? Bakit umiiyak si Kuya Jabar? "

 " Nawalan siya ng pagibig. Alam mo na naman yun. Dose ka na. "

 " Oo nga daw ho, Sinabi sakin niyan kanina. " Tago tago ko ang binili ko para sa kaniya.

 " Kumain ka na ba Dino? Kain na, bilisan mo bago madagit ng pusa ang galunggong. "

 Bago ako kumain, itinago ko ang dapat ay ibibigay ko kay Kuya. Kumain ako. Nilantakan ko ang isang platito ng kanin at isang piraso ng galunggong sa mesa. Nakita ko muli ang langit, kahit gaplatito lang. Habang kumakain ako, napansin ko si Kuya. Tumahan na ng kaunti. Tumatawa na. Pero nakikita mo parin ang bakas ng luha sa kanyang mga mata. Mamula mula ang mga mata at namumugto sa kakatapos na pagiyak. Parang ewan, iniiyakan ang PagIbig.

 " Saan ka nga pala galing kanina? " Tanong ni Kuya Jabar.

 " Ahh, Ehh-" Hindi ko maintindihan ang gagawin ko. Sasabihin ko na ba? Ibibigay ko na ba? Siguro oras na.

 " Ahh, Kuya, Kasee, Bumili ako nito. Sana magustuhan mo. Binili ko yan para hindi ka na malunkot at mapaltan na yung nawala mong pagkatao. " sabay abot sa binigay kong pagkain.

 " Ha? Ano ito?"binasa niya ng malakas ang nakasulat sa pakete.

 " PAGIBIG Food Manufacturing Company presents : New and Improved PASENSIYA " may mga mukhang nakatawa pa na nakatatak sa pakete

 " Sana magustuhan mo! " Nginitian ko si Kuya ng napakalaking ngiti. Inaaniyayahan ang siyang ngumiti rin.

 " Tirhan mo ako ha? " sabi ko.

 " Dinorado Mendoza. "

 " Bakit? " tanong ko habang nakangiti.

 " Gusto mo bang paglamayan? Saktong sakto...magUundas na. " Nakangiti siya, nagtaka ako. Natakot. Nabigla nang bigla niya akong sugurin. Hinabol niya ako ng hinabol, hawak hawak ang tinidor na kinuha sa may mesa.

 "MANGMANG! HINDI AKO HUMIHINGI NG PASENSIYA! AT HINDI ITO YUNG PAGIBIG NA SINASABI KO! "

 Lumabas na ako, Natapilok sa kakahabol niya. Ni Hindi parin alam kung ano ang hinahangad ko rin. Ang PagIbig na sinasabi ni Kuya Jabar.

No comments:

Post a Comment